Mahirap paniwalaan na sa isang bayan sa Siargao Island, Surigao del Norte, ang bilihan ng boto ay tumataginting na P10,000 bawat botante.
Mahirap ding paniwalaan na ang mga tumakbo sa pagka-alkalde sa bayang iyon ay hindi nag-isip na mabawi ang nagastos sa eleksyon kapag nakaupo na kasi maliit lang naman daw ang populasyon sa nasasakupan na may kabuuang 2,600 botante lamang.
Ayon kay Isidro “Dix” Namit, campaign manager ni gubernatorial bet Danilo Orquina, umaabot sa ganong kalaking halaga ang bilihan ng boto kasi “family pride” daw ang nakataya sa pagtakbo,. Malaking kahihiyan sa buong bayan ang matalo sa eleksyon.
Sinabi ni Dix na tatlo ang tumakbo sa pagka-mayor doon. Ang isa daw ay nag-alok sa bawat botante ng P5,000 kapalit ang kanyang boto. Nang marinig ito ng pangalawang kandidato, pinataasan ang alok sa P7,000. At nang malaman ng pangatlong kandidato, na umanoy may manugang na Hapon, nag-alok ito ng P10,000 bawat boto. Dito nagtapos ang “bidding” ng mga boto. Nanalo ang highest bidder.
Hindi na namin babanggitin ang pangalan ng bayan at mga kandidato na sangkot sa kwentong ito ng isang kaibigan na bilang campaign manager ng isang kandidato sa pagka-gubernador ay nalalaman ang takbo ng kampanya sa kanyang lugar.
Idinagdag pa ni Dix na kinabukasan matapos ang eleksyon, masaya ang lahat sa Surigao del Norte dahil sa perang natanggap galing sa mga kandidato.
Punong-puno daw ang mga shopping mall. Karamihan namimili ng mga damit, sapatos, at kung anu-ano pa.
Pero ibahin ang mga botante sa nasabing bayan sa Siargao. Hindi damit o sapatos ang pinamili kundi mga refrigerator, component, malalaking television sets at iba pang mamahalin na appliances. Luis Gorgonio, GMANews.TV
[
Next Thread |
Previous Thread |
Next Message |
Previous Message
]